
Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga lisensiyadong nurse na i-praktis ang kanilang propesyon sa mga ospital mapa-pampubliko man o pribadong ospital sa gitna ng kakulangan ng nurses na nagtratrabaho sa ating bansa.
Ginawa ni DOH spokesperson Undersecretary Eric Tayag ang apela bilang tugon sa panukala ni Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr. sa DOH na i-track down ang 124,000 rehistradong nurse na unemployed, underemployed o nagtratrabaho ng hindi related sa nursing.
Saad pa ng DOH official na bagamat hindi aniya mapilit ang mga licensed nurse na magtrabaho sa mga ospital ng gobyerno, patuloy pa rin ang kanilang pag-aanunsiyo ng job postings para sa mga nurse sa pag-asang mag-aapply ang mga ito.
Makailang ulit na ring idinulog ni Health Secretary Ted Herbosa ang usaping ito kung saan sinabi ng opisyal na nasa 4,500 plantilya para sa nurses ang kasalukuyang bakante sa 70 ospital ng DOH sa buong bansa.










