-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Health (DOH) ang babala nito sa publiko kaugnay ng paggamit ng generator sets sa loob ng mga bahay.

Ayon sa ahensya, maaaring magdulot ng carbon monoxide poisoning ang paggamit ng indoor generator sets, lalo na sa panahon na walang supply ng kuryente.

“Mayroong mga pamilya sa Region 5 na naglagay ng generator sets nila sa loob ng kanilang bahay and this have affected their family kung saan nagkaroon ng mga namatay na miyembro ng pamilya,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Paliwanag ng opisyal, naglalabas ng carbon monoxide gas ang exhaust o singaw ng generator sets kapag pina-aandar.

Kumakapit daw sa katawan ang lason nito at tina-target na palitan ang naghahatid ng oxygen o hangin sa utak ng tao.

“We remind everybody, hindi nilalagay ang generator sets sa loob ng bahay dahil maaaring enclosed yung setting at lalong nabubuo yung carbon monoxide sa air at nalalanghap ng members of the family.”

Ani Vergeire, colorless at odorless ang carbon monoxide gas. Ibig sabihin, walang indikasyon kung nalalanghap na ng tao ang mapanganib na gas.

Payo ng DOH spokesperson, kung gagamit ng generator sets ay siguruhing naka-pwesto ito ng 20-talampakang layo mula sa bahay o direktang contact sa tao.

Maaari rin daw gamitin ang mga generator na gumagamit ng baterya para sa enerhiya, dahil mas ligtas ito sa banta ng carbon monoxide poisoning.

“But kung sakaling kailangan gumamit ng generator during these times of calamities, maaaring huwag na ilagay sa loob ng bahay.”