-- Advertisements --

Muling maaantala ang paglalabas ng Department of Health (DOH) sa Omnibus Guidelines ng COVID-19 testing matapos umanong baguhin ng World Health Organization (WHO) ang rekomendasyon sa paggamit ng antigen test.

“Mayroon silang (WHO) pinalabas na article and this where the recommendation para sa paggamit ng rapid antigen test,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Batay sa rekomendasyon ng WHO, hindi maaaring gamitin ang antigen test para sa screening ng mga indibidwal na tumatawid ng borders o iba’t-ibang lugar.

Dahil dito, maaapektuhan ang kakapatupad lang na paggamit ng antigen test sa mga asymptomatic na domestic tourists.

“With that, babaguhin ng Health Technology Assessment Council natin yung kanilang recommendation for rapid antigen and yung ating Omnibus Guidelines with regard to the use of rapid antigen na isinama na natin ay mababago rin dahil sa ebidensyang ito.”

Una nang sinabi ng DOH na bukod sa testing, ay lalamanin din ng Omnibus Guidelines ang mas detalyadong panuntunan sa iba pang stratehiya ng gobyerno tulad ng isolation at contact tracing.

Sa ngayon inaayos na raw ng ahensya ang bagong guidelines nang mai-presenta sa Inter-Agency Task Force at maipatupad sa publiko.

Nilinaw naman ni Usec. Vergeire na may mga ebidensya na pwede pa ring gamitin ang antigen test basta’t may kaakibat na mga kondisyon.