Nag-abiso ang Department of Health (DOH) sa publiko ukol sa inaasahang bulto ng bagong confirmed cases na kanilang iuulat sa mga susunod na araw.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bunga ito ng updated na requirements ng Disease Reporting Units (DRUs) sa pagbabato ng impormasyon sa kanilang database.
Sa mga nakalipas na linggo, maraming laboratoryo pa rin ang bigong makapag-submit ng kompletong datos kaya hindi naisasama ang kanilang reports sa case bulletins ng ahensya.
“In these coming days we will be reporting a higher number of cases because of complete submissions of our laboratories.”
Simula noong September 1, mandatoryo na raw ang submission ng DRUs (ospital, laboratoryo, local government units) sa address at contact number ng naitatala nilang confirmed cases. Hindi raw tatanggapin ng sistema ang datos kung kulang ng mga nasabing impormasyon.
“There are confirmed cases per day that have not yet reported officially, and will come out this week because ngayon nakaka-comply na ang laboratories. Nakita na nila ang addresses, so ngayon makakapag-submit sila ng buo sa atin.”
“We may have a regularly high number of cases in the coming days as cases from these laboratories gets reported. We will ensure to highlight which of these cases are late reports. We expect that this is a one time occurrence.”
Paliwanag ni Usec. Vergeire, dapat bago mag-alas-6:00 ng gabi ay naipapasok na sa COVIDKaya o COVID Data Repository System (CDRS) ng testing laboratories ang mga impormasyon.
Sa susunod na linggo raw ay sisimulan ng Health department ang monitoring sa mga reporting units na late pa ring makakapagpasa ng report.
Kumpiyansa ang DOH na makakatulong ang dagdag requirement sa sistema, para mapaunlad ang iba pang stratehiya ng pamahalaan, tulad ng contact tracing.
Sa ngayon, mas maraming contacts na raw ang natutunton sa kada confirmed case. Mula sa 45% contact traced noong August 26 (1:3-5), ngayon halos 70% (1:4-10) na raw ng naging contact ng COVID-19 case ang nate-trace.