-- Advertisements --

Muling kinalampag ni dating Health Secretary at kasalukuyan Iloilo Rep. Janette Garin ang Department of Health (DOH) na magtakda na ng isang ospital na magiging limitado lamang sa COVID-19 patients.

Panawagan ito ni Garin sa gitna nang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo at namamatay sa sakit na ito.

Iginiit ni Garin na dahil limitado pa ang nalalaman sa ngayon ng mga eksperto patungkol sa COVID-19, mas mainam na magtakda aniya ng isang ospital na ilalaan lamang sa mga nagpositibo sa naturang sakit upang sa gayon mapigilan ang pagkalat pa lalo ng virus.

Pagkakataon din aniya ito upang magsama-sama ang mga health workers at eksperto pati na rin iyong mga nagkaroon ng training sa paghawak ng COVID-19 patients.

Ayon kay Garin, kung pagbabasehan ang sitwasyon ngayon, marami nang mga ospital ang may hawak na COVID-19 cases kaya mas tumataas ang tsansa na mahawa ang ibang pasyente na may ibang sakit.

“Mahirap pigilan ang hospital-acquired infection sa ganitong sitwasyon. Kailangan natin iwasang mahawa ng COVID-19 ang non-COVID patients at makakuha ng ibang sakit ang mga COVID patients mula sa ibang pasyente,” dagdag pa nito.

Ito rin aniya ang nakikita niyang dahilan kung bakit dumarami na rin ang bilang gng mga health workers na nagiging patient under investigation (PUI), na kalaunan kapag hindi mapigilan ay maaring magresulta sa pagkaparalisa nang operasyon.

Pagdating naman sa pondo, sinabi ni Garin na magiging mas masinop ang paggamit ng budget dahil kung mayroong dedicated hospital para sa COVID-19 patients ay doon na lamang ibubuhos ang pera na pambili pagbili ng mga testing kits, ventilator, gamot, personal protective equipement at iba pa.

“I would like to reiterate my recommendation and I highly encourage DOH to listen and to quickly take action. Alam ko po ang daming nangyayari ngunit mas pinapatagal natin ito, mas dadami ang mahahawa sa sakit na ito, mas maraming healthcare workers ang magiging PUI at mas mapipilayan ang ating mga ospital both public and private,” ani Garin.

Ang mairerekominda daw niya ay gawing COVID-19 hospital pansamantala ang Lung Center of the Philippines, Philippine Blood Center o kahit ang Quezon Institute, katulad nang pag-convert sa Sanitarium Hospitals ng DOH bilang General Hospitals sa mga nakalipas na taon.