Tinatayang 7-milyong uintended pregnancy o hindi planadong pagbubuntis ang inaasahan ng United Nations na susulpot sa mga susunod na buwan, kapag nagpatuloy ang mga lockdown na dulot ng pandemic na coronavirus disease (COVID-19).

Batay sa report na inilabas ng UN Population Fund noong Abril, lumalabas na 47-milyong kababaihan mula sa 114 na low and middle-income countries ang inaasahang hindi makakagamit ng contraceptives tulad ng pills at condom kapag tumagal pa ng anim na buwan ang mga lockdown.

Posibleng madagdagan pa raw ito ng dalawang milyon sa kada tatlong buwan na extension ng mga lockdown.

Ilan sa nakikitang dahilan ng UN sa datos na ito ay ang mga disruptions o pagkagambala sa pagbot ng mga mag-asawa sa pangangailangang family planning, na dulot ng COVID-19 pandemic.

Tulad ng kulang na family planning personnel at pasilidad dahil ipinadala at ginamit na para sa COVID-19 response. Pati na ang pagkaantala sa supply ng contraceptives, at takot ng kababaihan na magpunta ng health facilties dahil sa posibilidad na exposure sa mga may sakit.

Sa survey naman ng United States Agency for International Development, nakita rin ang kawalan ng mahigpit na protocol ng physical distancing sa mga family planning facilities.

Kaya naman ang Department of Health ng Pilipinas ay naglunsad ng “Usap Tayo sa Family Planning” programa kasama ang National Committee on Population and Development (POPCOM), para mahikayat ang mga Pilipinong mag-family planning pa rin kahit nasa gitna ng pandemic.

“Ang pagbubuntis po na hindi planado ay mas mahirap para sa sinumang mag-asawa lalo na sa
panahon ngayon na wala tayong kasiguruhan kung hanggang kailan natin haharapin ang panganib na dulot ng virus,” ani Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa DOH, epektibo pa ring family planning method ang paggamit ng contraceptives tulad ng condoms, pills, implants, IUD at injectable.

“Bawat isa sa mga pamamaraan na ito ay may iba’t ibang period of effectivity. Ibig pong sabihin, iba-iba po ang hangganan o panahon kung hanggang kailan effective ang bawat method na ito.”

“Malalaman natin kung ano ang naaangkop sa atin sa pagsangguni sa ating mga local health centers at ating trained family planning service providers.”

Aminado ang ahensya na 25-percent ng family planning services sa mga ospital at reproductive health units sa bansa ang naantala dahil sa pandemic.

Sa mga pampublikong ospital naman, 21-percent ng pareho ring serbisyo ang naapektuhan.

Batay sa hawak na datos ng POPCOM, nasa 108-milyon ang populasyon ng Pilipinas sa ilalim ng 2015 census.

Ayon naman sa international data, pang-13 ang estado mula sa mga bansang may pinaka-maraming bilang ng populasyon.

Paalala ng DOH, katulad ng immunization o bakuna, itinuturing din na essential health service ang family planning kaya dapat din umanong mabigyan ng access dito ang bawat Pilipino.

_______________________________

*POPCOM helpline: 0961-743-2337 or 0927-299-8764