-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng Deapartment of Health ang mga ulat na mayroong ilang indibidwal na sa bansa ang nakatanggap ng COVID-19 booster shots, ito ay kahit pa hindi pa inirerekomenda ito ng mga eksperto.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, gusto ngayon nilang malaman kung saan nanggaling ang mga sinasabing booster shots.

Bukod dito, nais din nilang malamang kung ano ang naging proseso kung bakit nakapasok sa Pilipinas ang mga boster shots na ito.

Nagbabala si Vergeire sa mga medical workers sa posibilidad na maharap sa karampatang parusa sakaling mapatunayan na nagmula sa vaccination sites ng pamahalaan ang anti-virus jabs.

Kahapon, sa isang panayam, inamin ni San Juan City Rep. Ronaldo Zamora na apat na beses siyang nakatanggap ng COVID-19 vaccines, kung saan dalawa rito ay “bootleg” daw.

Ayon kay Zamora, Disyembre noong nakaraang taon nang maturukan siya ng dalawang vaccine doses na gawa ng Chinese state firm na Sinopharm.

Kung titingnan, noong Marso lamang nagsimulang gumulong ang vaccination program sa Pilipinas.

Dahil siya ay “immunodeficient,” sinabi ni Zamora na pinayuhan siya ng kanyang mga doktor na magpaturok ng dalawang booster shots na gawa naman ng Pfizer-BioNTech.

Sa ngayon, mahigpit na ipinapapaalala ni Vergeire sa publiko na hindi pa inirerekomenda ng DOH ang paggamit ng mga booster shots.