-- Advertisements --

Itinuturing na development para sa COVID-19 response ng Department of Health (DOH) ang hindi pagkakasama ni Sec. Francisco Duque III sa mga pinakakasuhan sa umano’y anomalya sa PhilHealth.

“Nagpapasalamat kami sa ating pangulo na nabigya ng trust ang ating Secretary of Health,” ani DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire.

Nitong Lunes, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng multi-agency task force na kasuhan ang mga opisyal na sangkot sa umano’y iregularidad sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Hindi kasali si Duque, na chairman ng PhilHealth board, sa inirekomenda ng task force. Pero sa hiwalay na imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole, kasali ang Health secretary sa pinakakasuhan.

“Lagi namang sinasabi ni Secretary Duque na bukas ang tanggapan namin, ng PhilHealth sa anumang imbestigasyon na gagawin para alam natin ang totoo.”

“Ang Kagawaran ng Kalusugan, pati si Secretary Duque, has always reiterated that he supports this kind of move. Kung mapapatunayan sa proper court of law na talagang may issues ang ating mga opisyal, then yung mga nararapat na sanctions ay kailangan ibigay.”

Para sa tagapasalita ng Health department, kritikal sa ginagawang responde ng pamahalaan kung biglang magpapalit ng liderato ang kagawaran.

“Its really hard to have this kind of shift kapag tayo ay mayroong ganitong sitwasyon sa pandemya. We welcome it, we are very grateful.”