-- Advertisements --

Kailangan pa rin daw dumaan sa deliberasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang panibagong hirit ng Department of Trade and Industry (DTI) na payagan na ring makalabas ang mga menor de edad at senior citizen sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Iginiit ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na iba’t-ibang konsiderasyon ang kailangang pagdaanan bago aprubahan ng IATF officials ang panukala.

Kailangan daw kasi na matimbang ang benepisyo at epekto nito sa kalusugan, seguridad at ekonomiya.

Para kay Usec. Vergeire, isa pa rin ang malinaw, kailangan ng mahigpit na pagbabantay sa mga itinuturing na vulnerable o may mataas na tsansang mahawaan ng sakit.

Itinuturing ng DOH na vulnerable ang senior citizens, mga bata, persons with disability, at yung may iba pang iniinding sakit.

“Kailangan lang magkaroon nang, mai-weight natin, what would be the advantages and disadvantages. Katulad ng sinasabi natin lagi, ang vulnerable population natin ang pinaka-pinangangalagaan natin because we know that there would be more harm for them than the regular na sinasabi nating non-vulnerable groups.”

Kamakailan nang sabihin ni DTI Sec. Ramon Lopez na kaakibat ng pagbubukas ng ekonomiya ang pagpapalawig din sa mga sektor na papayagang lumabas.

Nauna nang pinayagan ng DTI ang 100% operation ng iba’t-ibang business establishments sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.

Ayon sa Trade department, pinagbasehan nila ang mga report ng DOH na bumubuti na ang sitwasyon ng COVID-19 sa GCQ areas.

Pero sinabi ni Usec. Vergeire na bagamat patuloy ang magandang trend na kanilang nakikita, ay hindi pa rin pwedeng makamapante ang publiko.

“Pero nakakakita pa rin tayo ng mga lugar na specific sa ating bansa na mayroong mga increase in the growth rate for the past two weeks so binabantayan nating maigi yan.”

“So kailangan lang hindi pa rin tayo complacent, we remain vigilant. We are seeing improvements dito sa ginagawa nating response nakikita natin yung numbers as we have said medyo bumababa, but still we monitor those areas with clusters with increasing growth rate.”