-- Advertisements --

Inihayag ni Col. Manaros Boransing II sa Impeachment Court na nagastos ng Philippine Army ang tinatayang P30,000 hanggang P60,000 lamang sa bawat isa sa walong Youth Leadership Summits (YLS) na kanilang isinagawa. Nabatid ang detalyeng ito matapos siyang tanungin ni Senator-judge Bam Aquino ukol sa karaniwang badyet na inilalaan ng AFP para sa mga ganitong uri ng programa.

Paliwanag ni Boransing, nakadepende ang halaga sa pangangailangan ng aktibidad, kung saan umabot sa P60,000 ang ginastos sa Lanao del Sur habang nasa P30,000 naman ang inilaan sa iba pang mga lugar.

Binigyang-diin ng opisyal na ang mga aktibidad na ito ay karaniwang inyoorganisa ng mga infantry battalion na nagpapasa ng opisyal na kahilingan para sa mga kagamitan at suporta.

Dahil dito, tinantiya ni Sen. Aquino na hindi lumagpas sa P500,000 ang kabuuang nagastos ng militar para sa walong YLS.

Nilinaw naman ni Boransing na ang naturang pondo ay nakalaan pangunahin para sa koordinasyon sa ilalim ng representation account codes.

Naitanong din ni Sen. Aquino ang reaksyon ng opisyal hinggil sa mga lumalabas na ulat na umabot sa P15 million ang naitalang gastusin para sa information gathering, surveillance, at mga serbisyong pangkatiwasayan.

Tumanggi namang magbigay ng kaniyang personal na opinyon si Boransing ukol sa usapin. Sinabi ng opisyal na bilang isang aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi marapat na maglabas siya ng komento sa isang pampolitikang usapin lalo’t nagpapatuloy pa ang paglilitis at wala pang pinal na desisyon ang Commission on Audit (COA).

Inunawa naman ni Sen. Aquino ang sitwasyon ng testigo at sinigurong bibigyan ito ng leeway sa pagtatanong bilang paggalang sa kaniyang patuloy na paglilingkod sa bayan.