-- Advertisements --

Humingi ng tulong ang Department of Health (DOH) mula sa mga lokal na opisyal upang maiwasan ang biglang pagtaas ng COVID-19 cases sa papalapit na holiday season.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat pangunahan ng mga local government units ang pagbibigay paalala sa kanilang mga nasasakupan na mag-isip na lamang ng alternatibong paraan kung paano gugunitain ang Pasko at Bagong Taon.

Binigyang-diin nito na ang interzonal movement ng publiko para gunitain ang hoiliday season kasama ang kanilang mga kaanak ay posibleng maging dahilan para magkaroon ng spike sa COVID-19 cases.

Bagkus bumababa na raw ang naitatalang kaso sa bansa ay mayroon pa ring mga piling lugar kung saan nakikitaan ng ahensya ng pagtaas sa bilang ng kanilang mga kaso. May ilang lugar din aniya sa bansa na bahagyang tumataas ang health system capacity ng kanilang mag critical care utilization.

Hindi naman sinuportahan ng ahensya ang paggamit ng rapid tests para isailalim sa screening ang mga indibidwal na magtutungo sa ibang lugar.

Kapag daw kasi ginamit ito sa mga tao na walang sintomas o exposure ay magiging mababa ang sensitivity nito at dito magsisimulang lumabas ang mga false negative na resulta.

Nakatakda namang iprisenta ng DOH ang post-holiday COVID-19 projection nito sa IATF sa susunod na linggo.