Hinimok ni dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janette Garin ang Department of Health (DOH) na makinig sa tunay na mga eksperto at gumamit muli ng bakuna ngayong nakataas ang “national dengue alert” sa bansa.
Bagamat “expected” na aniya ang pagtaas ng bilang ng dengue cases, ito ay nabawasan daw sana sa pamamagitan ng bakuna katulad ng nangyari sa Brazil.
“Nandyan na ‘yan. Useless to blame fake public health news. Now is the time for DOH to listen to real experts, follow international guidelines and make essential medicines, vaccines included to those who need it,” saad ni Garin,
Matagal na raw kasing inaasahan ang pagkakaroon ng mga dengue outbreaks at noong 2010 pa nang ideklara naman ng World Health Organization bilang isang sakit na may pandemic potential.
Iginiit ng kongresista na sa immunization, lahat ng sinimulang doses ay dapat na ipagpatuloy hanggang sa matapos ang ikatlong dose para matiyak na makinabang dito ang publiko kahit pa inihinto na ang programa.
Magugunitang panahon ni dating Pngulong Benigno Aquino III nang ipinatupad ang mass anti-dengue vaccination program gamit ang Dengvaxia vaccines ng French pharmaceutical giant Sanofi Pasteur.
Inihinto ito noong 2017 matapos na inilabas ng Sanofi ang resulta ng kanilang long-term follow-up study na nagpapakita na maaring magdulot ng increased risk ang Dengvaxia sa mga seronegative o hindi pa infected ng dengue.










