-- Advertisements --

Hinimok ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Department of Health (DOH) na makipagtulungan sa mga local government units (LGUs) pati na rin sa kanilang mga kongresista kaugnay ng information campaign patungkol sa novel coronavirus.

Sinabi ni Cayetano na ang naturang hakbang ay makakatulong sa pagpapabatid sa publiko ng mga napapanahon na impormasyon na mas madali ring maintindihan upang sa gayon ay maiwasan ang kalituhan at panic.

“We have social media to help inform us, but the information that we are sometimes getting are confusing because they are unverified and do not come from official channels,” ani Cayetano,

“Magkakaroon ng tamang guidance ang ating mga kababayan patungkol sa nCov dahil reliable ang makukuha nilang impormasyon tungkol sa sakit na ito,” dagdag pa nito.

Sa pamamagitan ng koordinasyon aniya sa pagitan ng mga LGUs at DOH ay makakapagbigay ng katiyakan sa publiko na transparent ang pamahalaan sa issue na ito.

Sa ngayon, dalawa na ang naitatalang kaso ng novel coronavirus sa bansa, kabilang na ang isang 44-anyos na Chinese national na binawian ng buhay kahapon ayon sa DOH.