MANILA – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga taong gumagamit na ng hindi rehistradong produkto ng gamot na Ivermectin.
“Lahat ng mga gamot na hindi rehistrado ng Food and Drug Administration (FDA), hindi masisiguro ng gobyerno na ‘yan ay ligtas at kapaki-pakinabang sa proteksyon ng inyong kalusugan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.
Sa pagdinig ng House Committee on Health nitong Martes, isang Dr. Allan Landrito ang umamin na nagbenta siya ng Ivermectin pills kahit hindi ito rehistrado ng FDA.
“I compounded it myself. I had bought pure Ivermectin from an importer and compounded it myself and gave it to my patients,” ani Landrito nang tanungin ni committee chairperson Rep. Angelina Tan.
“I was able to give more than 25,000 bottles, so divided by maybe 2 or 3, maybe 3, for a patient, 8,000 patients is very conservative number,” dagdag ng doktor.
Ayon kay Landrito, ihinalo niya ang inangkat niyang Ivermectin pills sa iba pang sangkap, tulad ng dextrose.
Itinigil na ng doktor ang pagbebenta ng sariling gawa na Ivermectin, pero nanawagan na magamit ito laban sa COVID-19.
Una nang sinabi ng DOH na wala pang sapat na ebidensya para masabing epektibo sa coronavirus patients ang nasabing gamot.
Pareho rin ang posisyon ng World Health Organization (WHO) sa gitna ng mga diskusyon.
“If you’re looking at the total number of COVID-19 patients in the world today, many people are not yet infected. We could assume that people who drink water are protected from COVID-19. We could assume that who took Ivermectin are protected… but that’s not evident. It needs to be statistically significant,” ani Dr. Rabindra Abeyasinghe, WHO representative sa Pilipinas.
Ayon kay FDA director general Eric Domingo, may mga rehistradong Ivermectin naman sa bansa. Pero limitado sa paggamit sa mga hayop; at bilang topical cream laban sa kuto at sakit sa balat.