-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa pwedeng maglabas ng listahan COVID-19 vaccine recopients hangga’t hindi pa natutukoy kung alin sa mga bakuna ang gagamitin sa mga Pilipino.

Pahayag ito ng ahensya matapos ipanukala ni Vice Pres. Leni Robredo ang paglalabas na ng listahan ng vaccine recepients bilang paghahanda sa inaasahang distribusyon.

“Tayo ay nandito pa lang sa stage na fina-finalize natin yung plano, yung mga criteria for identifying areas to be included and individuals,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Until we can have a final list of the vaccines that we are going to procure, wala pa tayong maibibigay kung sino-sino ang ating babakunahan.”

Sa ngayon ay may mga natukoy na raw na mga lugar na posibleng pagdausan ng clinical trials ng COVID-19 vaccines.

Ayon kay Vergeire, isinasapinal na lang din nila ang agreement ng bansa sa mga kompanyang target mag-clinical trials para ma-plantsa ang eksperimento.

“Nag-umpisa na tayong maghanda for the WHO Solidarity Trial for vaccines at mayroon na tayong initial identifies areas kung saan gumamit tayo ng criteria for prioritization.”

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat maging priority sa pagbabakuna ang mga healthcare workers at iba pang naging frontliner ng COVID-19 sa bansa tulad ng mga sundalo at pulis. Pati na mga mahihirap at vulnerable sector.

Tiniyak naman ni Usec. Vergeire na walang makakalusot na matataas na opisyal sa priority ng vaccination kapag mayroon ng bakuna ang bansa sa COVID-19.