-- Advertisements --

MANILA – Hindi pa inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagpapataw ng deployment ban sa mga overseas Filipino workers (OFW) na papunta sa mga bansang may kaso na ng mas nakakahawang UK variant ng COVID-19.

“Wala pa naman tayong ganyang move sa ngayon na pinag-uusapan sa Inter-Agency Task Force,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa tagapagsalita ng DOH, hindi naman lahat ng mga estadong nag-ulat ng UK variant case ay may community transmission ng bagong anyo ng virus.

“Ibig sabihin hindi pa ganon (kalala) ang pagkalat ng sakit, but that would be part of something to be considered by Inter-Agency Task Force maybe in the coming days.”

Nilinaw naman ni Vergeire na hindi ipagbabawal ng gobyerno ang pag-uwi sa Pilipinas ng mga Pinoy, kahit galing pa sila sa mga bansang may kaso ng bagong variant.

Sa huling tala ng DOH, umabot sa 300 ang nag-positibong returning OFW noong Disyembre. Mas mababa mula sa 700 cases noong Nobyembre, kung saan hindi pa ipinatutupad ang travel ban.

Tiniyak ng ahensya na may sapat na pasilidad ang gobyerno para sa “whole genome sequencing” ng samples ng mga magpo-posibo pang OFW.

Ayon kasi sa Philippine Genome Center, tanging samples ng mga magpo-positive sa COVID-19 ang idadaan sa naturang proseso.

“Hindi naman ganon kataas ang positivity rate ng OFWs natin… when we say positivity rate, this is the rate of turning positive out of all specimens ng OFWs na tini-test natin.”

“Ang ating malaking makina ng PGC can accommodate about 750 specimens in a run, so ito ang ating target number.”

Bukod sa PGC, may pasilidad din ang UP National Institute of Health at Research Institute for Tropical Medicine para sa whole genome sequencing.

Nagpasa na raw ng panukala ang DOH sa Department of Budget and Management para mapalakas ang genomic biosurveillance ng gobyerno.

As of January 14, 2021, mayroon nang 13,498 total confirmed COVID-19 cases sa mga Pilipino sa ibang bansa.