MANILA – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may nakahanda ng sistema para sa “database” ng mga matuturukan ng bakuna laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na sa Pebrero na inaasahang magsisimula ang rollout ng coronavirus vaccines.
“Sa ngayon mayroon na tayong system, naipakita na sa amin kung ano yung gagamiting system for database,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ng opisyal, importante ang “database” dahil dito ikakarga ang mga impormasyon tungkol sa mga taong babakunahan.
May existing registries na raw para sa mga healthcare workers at senior citizens.
“We are still going to get this from our local government units kaya hindi natin tinitingnan na magkakaiba-iba tayo ng listahan.”
“Isa ‘yan sa critical na tinitingnan natin sa ngayon so that there would be no duplication, walang overlapse at iisa lang.”
Ayon kay Vergeire, makakatanggap ng designated numbers ang mga magpapa-rehistrong indibidwal para hindi magkalituhan sa pagbabakuna.
Sa ilalim ng vaccine roadmap ng gobyerno, una sa listahan ng prayoridad ang mga healthcare workers.
Sumunod ang indigent senior citizens, iba pang matatanda, mga mahihirap na populasyon, at uniformed personnel.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, dapat naka-ayon sa national immunization program ang distribusyon ng bakuna.
Lalo na’t ilang local government units na ang lumagda ng kasunduan para sa vaccine supply ng AstraZeneca.
“Kinakailangan na sundin yung mga prayoridad, at ‘yan ay katungkulan at obligasyon ng lokal na pamahalaan kapalit ng pagpayag ng gobyerno na sila na ang bumili ng bakuna.”