Pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) ang standardization ng sahod ng mga nurse, doctor at healthcare workers para hikayatin ang mga ito na manatili sa Pilipinas.
Ginawa ni Health Officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire ang naturang pahayag bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tugunan ang kakulangan ng nurses dahil sa pangingibang bansa ng mga ito na nakahadlang sa pagbibigay ng epektibong healthcare sa ating bansa.
Ayon kay Vergeire na ina-assess na rin ng kagawaran ang status ng panukalang batas sa Magna Carta for Public Health Care Workers at Philippine Nursing Act na parehong layunin na makapagbigay ng karagdagang benepisyo at matiyak ang kapakanan ng medical professionals sa bansa.
Sa pagpupulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) Healthcare Sector group sa Palasyo Malacanang, hiniling din ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Commission on Higher Education na magkaroon ng konkretong mga hakbang para mahikayat na manatili na magtrabaho sa bansa ang mga Filipino nurse.