-- Advertisements --

Nilinaw ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi pa lisensyado ang molecular diagnostic laboratory ng Marikina City para sa mga magpapa-test ng COVID-19.

“Not licensed yet but we are facilitating compliance so they can open next week,” ani Usec. Vergeire sa isang text message.

Nitong hapon nang ipasilip ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ang pasilidad kung saan naka-set up na ang mga RT-PCR machines na siyang nagpo-proseso ng resulta.

Sinabi rin ng alkalde na aprubado na ng Department of Health (DOH) ang naturang pasilidad.

Iginiit ni Mayor Teodoro na suportado ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang kanilang center, kaya nanawagan ang alkalde sa DOH nang agarang aksyon para maging operational na sila.

Kung saka-sakali raw ay handa na ang Marikina LGU na buksan ang pasilidad sa Biyernes.