-- Advertisements --

Dumistansya ang Department of Health mula sa umano’y kampanya para sa pag-amyenda sa konstitusyon.

Ayon sa ahensiya, ang tanging ikinokonsidera ng DOH para sa pamamahagi ng medikal na tulong para sa mga mahihirap at financially incapacitated na mga pasyente ay ang kanilang kalagayan na sinusuri ng isang social worker sa isang ospital o health facility.

Matatandaan kasi na isiniwalat ni Senator Imee Marcos, chair ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s participation nitong Lunes na nag-aalok umano ng P20 million na aid ang isang hindi pinangalanang proponents ng charter change sa mga probinsiya para sa lagda ng 3% ng rehistradong botante para sa pag-amyenda ng 1987 constitution sa pamamagitan ng people’s initiative na makalawang beses ng nabigo sa Supreme Court.

Sinabi din ng Senadora na ang DOH ang isa sa mga ahensiya na pupuntahan ng naturang aid.

Nagsimula aniya ang pagkalap ng mga lagda sa Ilocos region, Bicol Central at Eastern Visayas.

Una na ring ibinunya ni Albay Rep Edcel Lagman ang kaparehong claim nitong weekend kung saan nagpatawag umano ang mga alkalde sa mga probinsiya ng pagpupulong noong Enero 5 kung saan binigyan ang mga ito ng signature sheets para sa lagdaan ng kanilang constituents.

Kung saan ang mga lalagda para sa naturang petisyon para sa people’s initiative ay bibigyan ng P100 bawat isa.