-- Advertisements --
VA7
IMAGE | Health Usec. Maria Rosario Vergeire/Screengrab, DOH

MANILA – Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na paglabag sa batas ang distribusyon at promosyon ng mga hindi rehistradong gamot tulad ng ivermectin.

Pahayag pa rin ito ng kagawaran matapos ianunsyo ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na mamamahagi siya ng libreng ivermectin sa Quezon City.

Ito ay kahit hindi pa napapatunayang epektibo laban sa coronavirus disease ang naturang anti-parasitic drug.

“The most important law that is being violated law for this supposed dispensing of ivermectin is the RA 9711 or FDA Act. Specific to that law sinabi yung mga hindi rehistradong gamot hindi natin pwedeng ipagamit sa mga kababayan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Pangalawa, yung mga pagdi-dispense natin ng gamot ay dapat doktor at healthcare professionals ang gumagawa, at hindi ordinaryong tao ang nagdi-dispense nito.”

Hindi sinagot ni Vergeire ang tanong kung posibleng managot si Defensor dahil sa pamamahagi ng ivermectin, pero iginiit niya ang probisyon ng nabanggit na batas.

“Nakalagay sa batas natin sa RA 9711 (na) manufacture, importation/exportation, sale, offering for sale, distribution, transfer, promotion, advertising, or sponsorship of health products without proper authorization of FDA is prohibited. I think that’s self explanatory.”

Una nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na wala pang rehistradong human-grade o para sa tao na ivermectin sa bansa. Ang tanging rehistrado sa ngayon ay ang para sa mga hayop.

Nanindigan si Defensor na hindi iligal ang kanyang inisyatibo, pero hindi nakasagot nang tanungin kung sino ang mananagot sakaling may mangyaring masama sa mga iinom ng ipapamahagi niyang ivermectin.

“The point is before you get the prescription, before you are allowed to take it, may consent ‘yung tao, may consent naman ‘yung tao doon eh. Medical practice naman ‘yan talaga eh na ito iinumin ko, pe-prescribe ko sa ‘yo and the recipient, pumapayag para dito,” ani Defensor sa isang press briefing nitong Martes.