-- Advertisements --

Dinepensahan ng Department of Health (DOH) pagbabago nito sa istilo ng pagre-report sa mga bagong kaso ng COVID-19, kung saan nahahati na sa “fresh” at “late” cases.

Ayon sa DOH, nananatiling mahigpit ang protocol ng kagawaran sa mga indibidwal na sumailalim sa test at naghihintay ng resulta.

“Hindi po ibig sabihin na hindi pa sila na validate ay gumagala po sila at nakakahawa ng ibang tao.”

“Kapag ang isang pasyente ay nagkaroon ng sintomas at kumonsulta sa ating mga doktor, siya po ay isolated hanggang ma-test at lumabas ang resulta. Ibig sabihin hindi po siya nakakagala upang makahawa ng ibang tao.”

Simula nitong Biyernes, May 29, nagbigay na nang detalyadong case bulleting ang DOH sa mga bagong kaso ng COVID-19.

Hinati ng kagawaran ang mga bagong kaso sa “fresh cases” o test results na lumabas at na-validate ng DOH sa nakalipas na tatlong araw.

Ang “late cases” naman ay resulta ng COVID-19 tests na lumabas sa nakalipas na apat na araw o higit pa, na late naisumite ng mga ospital at laboratoryo para sa validation.

Umaasa ang DOH na sa pamamagitan ng mas detalyadong pagbibigay ulat sa mga bagong kaso ng sakit ay mabibigyang linaw din ang totoong estado ng datos.

“Kung ating titingnan ang datos, karamihan sa mga bagong kaso ay late, kung saan apat na araw o higit pa ang nakalipas mula sa paglabas ng resulta at pag-validate nito.”

Una nang sinabi ng Health department na ang biglang pagbulusok sa bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 ay bunsod na pinalakas na validation at tuloy-tuloy na paglilinis ng backlog.

“We hope to iron out the issues that are causing the delays in case validation and reporting at the soonest possible time.”

“The Epidemiology Bureau continues to validate aggressively and once all data has been validated then our numbers will more closely reflect the real time situation.”