-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na raw ang Department of Health (DOH) sa Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng paglilibing sa bangkay ng mga namatay na kaso ng coronavirus disease.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakasaad sa ilalim ng Sanitation Code ang proper disposal ng labi ng mga namamatay sa infectious disease, tulad ng COVID-19.

May mga lumabas na ulat kamakailan na ilang punerarya ang umiiwas na tumanggap ng bangkay ng namatay na COVID-19 para sa cremation o libing.

Nakasaad sa Section 91, Chapter 21 ng Presidential Decree No. 856 na dapat malibing agad sa loob ng 12-oras ang bangkay ng indibidwal na namatay dahil sa “communicable disease.”

Hindi rin daw sila dapat dalhin sa public assembly, at tanging mga kamag-anak lang ng namatay ang maaaring dumalo ng lamay.

Ang lalabag daw sa mga probisyon ng batas ay maaaring makulong ng anim na buwan at pagmumultahin ng P1,000. Pero depende pa rin daw ito sa magiging hatol ng korte.

Sa ngayon umakyat pa sa 25 ang bilang ng mga namatay sa COVID-19, matapos may masawi na anim na iba pa.