Simula bukas, September 14, ay asahan daw na maglalabas ng mas detalyadong datos tungkol sa COVID-19 cases ang Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, tugon ito ng ahensya para mas epektibong maaksyunan ang mga kaso ng sakit hanggang sa pinakababang lebel ng komunidad — ang mga barangay.
Paliwanag ng opisyal, makakatulong ang “granular data” o mas detalyadong mga impormasyon para maabot ang target na pagbasag sa “clustering” o pagkukumpulan ng COVID-19 cases.
“Ang ating kalihim, si DOH Sec. Francisco T. Duque, who is the Inter-Agency Taskforce chairperson, has issued na magkaroon na ng mechanism at sistema para ma-reconcile at mai-publish namin ang barangay-level data. Tayo po ay nakikipag-ugnayan ngayon sa Department of Interior and Local Government para ma-implement po ito sa barangay level.”
Sa pamamagitan daw ng ilalabas na barangay-level data, inaasahan na aktibong susunod ang publiko sa mga ipinatutupad na responde sa pandemya. Dati kasi, sa mga local government units at iba pang ahensya lang ipinapakita ang datos.
“Sa pamamagitan po nito, we are looking forward to our people being more engaged in the barangay-level response. They can be more vigilant in performing our minimum health standards or BIDA behaviors. Makakatulong din po ito upang mas effective ang health screening in our establishments and by our health care providers.”
Una nang inanunsyo ng DOH na gagawin na ring mandatoryo ang paghingi sa kumpletong address at contact number sa contact tracing, para mas epektibong mahanap ang close contacts ng mga matutukoy na confirmed cases.
Ayon sa ahensya, hindi aabot ng 50% nang mga natanggap nilang case investigation forms noong Hulyo ang may datos ng barangay.
“With continued cooperation of disease reporting units and laboratories as well as improvements in the information system through the generous support of the Filinvest City Foundation, around 80% of cases now have barangay data.”