Pinayuhan ng ilang kongresista ang Department of Health (DOH) na humingi na ng karagdagang alokasyon sa Kongreso kasunod ng polio outbreak sa bansa.
Sa isang press conference, sinabi ni House Minority leader Bienvenido Abante Jr. na imbis magsisihan, ay maghanap na lang ng solusyon ang mga opisyal kung paano tuluyang mabubura ang sakit na bumalik matapos ang halos isang dekada.
Ayon sa opisyal, maaring ilipat ang pondo ng postponed Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections para palakasin ang immunization programs ng gobyerno.
Samantala, nanawagan naman si dating Health secretary at Iloilo Rep. Janette Garin kay Sen. Ronald dela Rosa na ihinto na ang “pagpapa-cute” sa gitna ng mga issue.
Ito’y makaraang sabihin ng senador na posibleng pinapakinabangan ng manufacturers ang outbreaks para lamang kumita.
Para kay Garin, hindi ito nakakatulong sa immunization program kundi nakakadagdag lamang sa takot ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.