-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang dapat ikabahala ang publiko tungkol sa mga ulat na nahahawaan din ng COVID-19 ang mga alagang hayop, pero makabubuti pa rin daw kung susunod ang mga Pilipino sa health protocols.

“Katulad nung sa aso, noong unang buwan pa lang ng pandemya ay naibalita na nangyari sa ibang bahagi ng Asia, pero ito ay patuloy na pinag-aaralan… lahat ‘yan sinusuri natin, humahanap tayo ng sapat na ebidensya,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa public briefing.

Ang pahayag na ito ng ahensya ay kasunod ng ulat sa umano’y infection na rin sa COVID-19 ng hayop na mink.

Napaulat na 17-million farmed mink ang pinatay sa Denmark dahil sa sinasabing mutation o pagbabago pa ng SARS-CoV-2 virus at pag-infect nito sa naturang hayop.

Batay sa report ng Danish scientists, 12 indibidwal ang nakitaan ng mink-related strain ng coronavirus. Higit 200 naman na ang nakitang positibo dahil din sa COVID-19 na galing sa mink.

Ayon sa World Health Organization, kailangan pang pag-aralan ang mga ebidensya para magawan din ng solusyon.

“We need to wait and see what the implications are but I don’t think we should come to any conclusions about whether this particular mutation is going to impact vaccine efficacy,” ani Soumya Swaminathan, chief scientist.

“Kung makikita natin na may direct link at makapagbibigay ng rekomendasyon ang ating mga eksperto, ating ilalagay sa protocol,” ayon naman kay Usec. Vergeire.

Sa ngayon, habang hinihintay pa rin ang resulta ng mga pag-aaral ay mahalagang hindi pakawalan ng publiko ang pagsunod sa minimum health standard, tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face mask kapag nakikisalamuha sa mga hayop.(with reports from BBC)