-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na may umiiral na panuntunan ukol sa tamang disposal sa katawan ng mga namatay dahil sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya matapos ulanin ng kwestyon ang kredibilidad ng ulat hinggil sa pagkamatay ng ilang high-profile inmates ng New Bilibid Prison matapos tamaan ng coronavirus disease.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakasaad sa inilabas na Department Memorandum 2020-0158 na kapag namatay ang isang tao dahil sa infectious disease, tulad ng COVID-19, ay dapat ma-cremate o mailibing agad ang bangkay nito sa loob ng 12-oras.

“Sometimes hindi pwedeng ma-cremate due to cultural reasons.”

Ganito rin daw ang nilalamang probisyon nang matagal nang umiiral na Sanitation Code at Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases Act.

“Kailangan may proper preparation. Ise-seal siya, double-seal, double body bag. Tapos ilalagay sa casket kung kinakailangan i-bury.”

“Pero ang dapat doon hindi mo dapat siya nabubuksan kapag na-seal. Those are part of the laws and guidelines which DOH adheres to.”

Ayon sa opisyal ng Panteon de Dasmarinas public cemetery na humawak sa cremation ng mga sinasabing namatay na high-profile inmates, selyado ng body bags ang bangkay na dumating sa kanila noong Sabado ng gabi galing Bilibid.

Nitong Martes nang hamunin ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na maglabas ng mga larawan bilang patunay na kasali ang high-profile inmates sa COVID-19 death cases ng national penitentiary.

Nauna nang dumepensa si BuCor director general Gerald Bantag at sinabing walang dapat pagdudahan sa pag-uulat nila sa pagkamatay ng high-profile convicts dahil sa sakit.

Inatasan na ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation para imbestigahan ang mga nasabing death cases ng COVID-19 sa Bilibid.