-- Advertisements --

Sa ikalimang sunod na araw nakapagtala ang Department of Health (DOH) higit sa isang libong bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa, na nagpaakyat ng total sa 47,873.

Ngayong araw, nag-ulat ang DOH ng 1,540 na mga bagong kaso ng COVID-19. Pero ang mga numerong ito ay galing lang sa report ng 69 mula sa 74 na lisensyadong testing laboratory.

Binubuo ang bilang ng mga bagong kaso nang 993 “fresh” cases o mga kaso ng sakit na lumabas ang resulta at na-validate sa nakalipas na tatlong araw.

Ang “late” cases, o mga kaso ng COVID-19 na lumabas ang resulta sa nakalipas na apat na araw pero ngayon lang na-validate ay nasa 574.

Sa mga bagong kaso na yan, pinakamarami pa rin ang galing sa National Capital Region.

Ang mga active case o nagpapagaling pa ay nasa 34,178.

Samantala, 201 naman ang nadagdag sa mga gumaling, kaya ang total recoveries ay nasa 12,386.

Anim naman ang bagong naitalang namatay na dumagdag sa total na 1,309.

Ayon sa DOH, mula sa anim na bagong death case, tatlo ang namatay noong nakaraang buwan.