Itinuro ng Department of Health (DOH) sa community transmission ang dahilan kaya sumipa pataas ang bilang ng confirmed COVID-19 cases sa hanay ng health care workers.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, gaya ng datos sa kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa, hindi na lang din expanded testing ang dahilan kung bakit dumami ang nag-positibo na frontliners.
“Most of the health care workers prefers to go home kaysa mag-stay doon sa mga dorm na binibigay ng ospital. So alam naman natin may community transmission, so pagbalik nila sa kanilang bahay; pagbalik nila sa ospital, nagkakaroon tayo ng mga transmission na ganito,” ani Vergeire sa isang online media forum.
“‘Yun ang tinitingnan namin na isa sa mga dahilan kung bakit tumataas ngayon ang kaso ng health care workers because of this community transmission, because they still go home to their houses.”
Sa ngayon tuloy-tuloy pa rin daw ang hiring ng DOH para sa karagdagang health care workers ng mga ospital.
Mula nang buksan ng ahensya ang aplikasyon para health human resource, halos 6,000 health care workers na raw ang kanilang na-deploy sa iba’t-ibang health facilities.
Sa kabila nito aminado ang DOH na sa nakalipas na mga linggo at buwan ay may pagbagal sa bilang ng mga naga-apply na medical professionals kumpara noong Marso at Abril.
“Pagka ikaw ay health care worker, we have a committement to serve… sana sa panahon na ganito, oo natatakot tayo pero magbigay trust tayo. Naaalagaan naman kayo. ‘Yun lang committment para makatulong tayo sa bayan.”
Tiniyak ng Health department na pinapakinggan nila at tinutugunan ang hinaing ng health care workers.
Ito ay sa gitna ng magkakasunod na kilos protesta ng ilang medical professionals na nanawagan para sa benepisyo, personal protective equipment (PPE) at dagdag sahod.
“Ukol dito sa pagtaas ng kanilang sweldo, kailangan pag-usapan. Hindi naman ‘yan agad-agad nangyayari, kailangan ng mga batas paran mangyari… we have adequately provided PPEs to all our health care workers in all hospitals.”