Target ng Department of Health (DOH) na masimulan ngayong buwan ang clinical trials sa Pilipinas ng Japanese anti-flu drug na Avigan sa mga pasyente ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Pahayag ito ng ahensya matapos muling maantala ang trials ng gamot, na pangatlong beses nang na-reschedule noong September 1.
“We target to start ngayong September, we are just now naghihintay ng mga pending documents for processing,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press conference nitong Biyernes.
“Inaayos na po and by Monday ready na po itong database na ito and hopefully the other documents are already ready as well by Monday so that we can immediately start,” dagdag ng opisyal.
Noong nakaraang buwan, aabot sa halos 120,000 tablets ng Avigan ang binigay na donasyon ng Japanese government sa Pilipinas.
Una nang sinabi ni Vergeire na may isinasapinal pa sa ethics board review ng ilan sa mga pagamutan na magsasagawa ng Avigan trials.
VIRGIN COCONUT OIL TRIALS
Samantala, kinumpirma rin ni Usec. Vergeire na tuloy-tuloy ang ginagawang trials sa virgin coconut oil (VCO) bilang treatment din sa COVID-19.
Sa ngayon may 40 active patients daw na enrolled sa ginagawang trials ng Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna na nagsimula noon pang May 1, na matatapos sa December 31.
Mayroon na ring mga pasyente sa UP-Philippine General Hospital, na nag-umpisa ang trials noong June 1 at matatapos sa May 31, 2021.
Inaasahan naman ang pagsali rin sa trials ng The Medical City sa Sta. Rosa, Laguna.
“Titingnan nila ang beneficial effects nitong VCO sa mga suspect and probable COVID-19 na naka-quarantine doon sa kanilang center o ospital,” ani Vergeire.
Kung maaalala, kaka-apruba lang kamakailan sa medicinal plant na lagundi bilang isa rin sa pag-aaralang treatment na gamot sa COVID-19.