Iping-utos ni Health Secretary Ted Herbosa ang pagsama ng ultrasound at mammogram sa Konsulta benefit package ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon sa kalihim, inatasan na niya ang benefits committee ng naturang state insurer para trabahuin ang pagsama sa nasabing medical imaging procedure para agad na maipatupad sa buong bansa.
Sinabi din ni Sec. Herbosa na tumatayo ding chairman ng PhilHealth Board of Directors, makakatulong ito para sa tuluy-tuloy na pagpopondo ng preventive health services para maaga pa lamang ay ma-detect na ang mga sakit gaya ng cancer at iba pang mga kondisyon.
Ang direktiba ni Sec. Herbosa ay kasunod na rin ng panawagan ng ilang mga mambabatas para palawigin pa ang coverage ng Philhealth para sa primary care screening services tulad ng ultrasound at mammography.