-- Advertisements --

Aminado ang Department of Health (DOH) na katiting lamang ang matatanggap na special risk allowance ng mga healthcare workers sa susunod na taon base na rin sa pondong nakalaan para rito sa ilalim ng kanilang 2022 proposed budget.

Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Health Assistant Secretary Mylene Beltran na P720 kada buwan lamang ang posibleng matanggap na special risk allowance ng bawat isa sa mahigit 526,000 healthcare workers.

Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, hindi kasi inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang proposal na higit P50 billion sa 2022 National Expenditure Program kaya noong natalakay ito sa kamara ay walang alokasyon ang special risk allowance ng mga healthcare workers.

Magugunita na isa sa mga amiyendang ginawa ng Kamara bago pa man iniakyat sa Senado ang 2022 General Appropriations Bill (GAB) ay ang inclusion ng P4.5 billion pondo para sa healthcare workers sa bansa.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Stella Quimbo, ang P4.5 billion na pondo ay kulang pa nga kung tutuusin para sa mga healthcare workers na kinukonsidera ng DOH bilang high-risk.

Sa ngayon, ilang mga panukalang batas ang nakabinbin sa komite para madagdagan ang special risk allowance ng mga healthcare workers, kabilang na ang inihain ng Makabayan bloc na P15,000 at P5,000 pa na active hazard pay kada buwan.