-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng pagsusuot ng face mask bilang epektibong panlaban sa impeksyon ng COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ilang pag-aaral na ang nagsabing may 85-percent na tsansang mabawasan ang risk o posibilidad na mahawaan ng COVID-19 ang isang indibidwal na nakasuot ng face mask.

Kung susundin naman daw ang physical distancing na isang metro, 80-percent ang risk sa pagkahawa ang mababawas.

“This is why our healthcare workers use N95 masks and conduct strict infection prevention and control measures,” ani Vergeire.

“Kami po ay nananawagan sa inyong lahat na gawin lagi ang ating minimum health standards, katulad ng pagsusuot ng mask, madalas na paghuhugas ng kamay, physical distancing, at iba pa lalung-lalo na sa mga lugar na sarado, naka-aircon, at walang maayos na ventilation,” dagdag ng opisyal.

Kamakailan nang kilalanin ng World Health Organization (WHO) ang pahayag ng ilang doktor na nagsabing posible ang “airborne” transmission ng sakit.

“A susceptible person could inhale aerosols, and could become infected if the aerosols contain the virus in sufficient quantity to cause infection within the recipient,” ayon sa WHO report.

Aminado si Vergeire na may ilang hindi sumusunod ng tama sa ipinatupad na minimum health standards, pero hindi umano ibig sabihin nito na posibleng ibalik ang implementasyon ng enhanced community quarantine.

“Marami pa rin ang nakakalimot sa ating minimum health protocols. Maaaring ang kailangan natin ay hindi ang pagbalik sa Enhanced Community Quarantine kundi maging mas mahigpit sa pagpapatupad at pagsunod sa mga itinakdang health protocol.”

“Huwag po tayong maging kampante. Sa halip, patuloy po tayong maging responsable. Alagaan po natin ang ating mga sarili, ang ating mga mahal sa buhay, at ang iba pang myembro ng ating komunidad. Sa kamay po nating lahat nakasalalay ang
kaligtasan at kagalingan ng bawat isa,” ayon sa DOH spokesperson.

Nanawagan din ang opisyal sa publiko na magtulungan para protektahan sa sakit ang “vulnerable sector” tulad ng matatanda, maysakit at mga bata.