-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may 75 designated referral hospitals nang bukas para sa mga pasyenteng tinamaan ng sakit na COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang mga ospital na ito ay may kakayahang mag-accommodate ng 3,194 na pasyente sa kabuuan.

Mayroon na rin daw temporary treatment and monitoring facilities na may bed capacity na 4,413.

“Kasabay ng pagpapaigting ng testing capacity, ang kagawaran ay tuloy-tuloy ring nagpapagawa ng facilities upang sapat na matugunan ang pangangailangan ng COVID-19 patients.”

Nakatakda na ring magbukas ang dalawang passenger vessel bilang temporary quarantine facility ng mga Pinoy overseas worker at seafarers.

Ang mga nasabing barko ay mula sa private company na 2GO ng businessman at adviser ng pangulo na si Dennis Uy.

Ayon kay Usec. Vergeire, kayang mag-accommodate ng hanggang 800 at 300 na indibidwal ang naturang mga sasakyang pandagat.

“Ito ay para maisailalim sila sa mandatory 14-day quarantine period pagdating nila dito sa ating bansa,” ani Vergeire.

Ang inisyatibong ito ay sinimulan ng Department of Transportation matapos mabatid na ilang ospital na ang napuno ng pasyente dahil sa COVID-19.

May ilan din kasing mga non-COVID patients ang kailangan i-accommodate ng mga pagamutan.

“Most hospitals in Metro Manila have already pleaded for help in attending to COVID-19 patients. Some of them can no longer accept more patients due to overcapacity, and that is what we are trying to address here,” ani DOTr Sec. Arthur Tugade.

Ang Philippine Coast Guard ang siyang inatasan na magbantay sa quarantine ships para masigurong walang magiging aberya sa magiging operasyon ng mga ito.

Makakasama nilang magmando nito ang Department of Health at Bureau of Quarantine.