-- Advertisements --

MANILA – Aminado ang Department of Health (DOH) na malaking balakid ang COVID-19 pandemic sa pag-abot ng kanilang target para sa immunization program laban sa mga sakit na measles-rubella at polio.

“What we’re still getting from the ground is that a lot of them are afraid to go to the health centers because they’re afraid for the safety of them and their kids. Baka makakuha sila ng COVID-19, so they’re not going to the centers,” ani Dr. Beverly Ho, direktor ng DOH Health Promotion Bureau sa isang press briefing nitong Martes.

Batay sa tala ng DOH, nasa 1.3-milyong kabataan pa ang hindi nababakunahan kontra measles-rubella para sa ikalawang phase ng programa.

Target kasi ng pamahalaan na makapag-bakuna ng 5.1-milyong kabataan sa ilalim ng Phase 2 ng measles immunization na magtatapos sa Linggo, February 28.

Pagdating naman sa pagbabakuna kontra polio, sinabi ng DOH na 1.2-milyong bata pa rin ang hindi nabibigyan ng anti-polio vaccines. Kaya hindi pa rin nila maabot ang target na 4.7-milyong indibidwal.

“We want to reassure everyone that as long as we’re able to practice our minimum public health standards – there are protocols in place in health center, so that the mother and the baby are protected,” ani Dr. Ho.

Lumalakad ang Phase 2 ng programa sa National Capital Region, Calabarzon, Central Luzon, at buong Visayas.

Mula nang mag-umpisa ang ikalawang yugto ng measles-rubella at polio immunization program noong February 1, 73% na ng target population ang nabibigyan ng bakuna.

Sa ilalim ng Phase 1 ng vaccination program noong Oktubre 2020, umabot sa 89% ang bilang ng mga nabakunahan ng DOH laban sa mga nabanggit na sakit.

“We can decrease the prevalence of cases of measles, rubella, and polio through vaccination. These vaccines have been proven to be safe and effective for over 40 years, and parents need not have second thoughts,” ani Health Sec. Francisco Duque III.