Iginiit ng Department of Health-7 na wala pang lugar sa Central Visayas ang nagdeklara ng outbreak dahil sa sakit na Pertussis o whooping cough.
Inihayag ni Epidemiologist Dr. Eugenia Mercedes Cañal na ito ay dahil naka-heightened ang kanilang surveillance at maayos ang monitoring ng mga local government units sa bawat tahanan.
Sinabi pa ni Cañal na ang dahilan kung bakit isinasagawa ang adbokasiyang ito ay upang itaas ang kamalayan sa komunidad at bawat sambahayan sa pagpapabakuna.
Wala rin naman umanong dapat ikabahala sakaling magdeklara ng outbreak ang isang lugar dahil kinakailangan at nararapat lang na gawin upang makontrol ang kaso, malaman ng mamamayan at para may kapasidad sa mga logistics at pondo.
Samantala, batay sa kanilang inilabas na data as of April 16, pumalo na sa 207 ang kabuuang kaso ng Pertussis sa rehiyon kung saan 65 ang kumpirmadong kaso o katumbas ng 31% sa mga naitala.
Nadagdagan din ang nasawi na umabot na ngayon sa 7 kung saan 3 dito ay mula sa Cebu City; 2 sa Mandaue City; at tig-iisa sa Lapu-lapu City at Daanbantayan.
Ang mga ito ay may edad 14 na araw hanggang sa dalawang buwang sanggol pa lamang.
Binigyang-diin naman ni Cañal ang kahalagahan ng pagpapabakuna at sinabing hindi tumigil ang kagawaran sa pagbibigay ng tulong sa mga local government units para maiwasan ang naturang sakit.
Idinagdag pa nito na hindi nagkulang at mayroon pang sapat na supply ng bakuna sa Pertussis at hinimok ang mga magulang na magtungo sa mga health center at pabakunahan ang mga anak dahil libre lang naman umano ito.