-- Advertisements --

Naniniwala ang regional office ng Department of Health (DOH) sa Central Visayas na posibleng nakaapekto sa pagdami ng COVID-19 cases sa rehiyon ang ilang kakulangan sa health capacity ng rehiyon.

Sa isang statement sinabi ni DOH Region 7 director Dr. Jaimer Bernadas na nakausap na nila ang pribadong ospital sa rehiyon para palawigin ang kani-kanilang bed capacity, nang makatanggap pa ng mas maraming pasyente.

Inamin kasi ng regional office na karamihan sa private hospitals sa Cebu ang tumigil muna sa paga-admit ng mga pasyente dahil sa kulang na bed capacity.

Sa ngayon, ilang malalaking pribadong pagamutan na raw ang nangako na palalawiging ng hanggang 30-percent ang kanilang mga kapasidad sa kama.

Kumilos na rin daw ang DOH para sa sa health human resource ng mga nakukulangan ng health care providers.

“With the proposed bed expansion capacity in the private hospitals, we will be looking now at 548 additional isolation beds and government hospitals to also expand their isolation beads to 364,” ani Bernadas.

Nilinaw ng DOH Region 7 na kahit noon pa man, bago pumutok ang pandemya ay kulang na ng gamit ang ilang medical facilities sa rehiyon.

Ayon kay Bernadas, dapat ding maparami ang isolation facilities ng asymptomatic cases sa mismong Metro Cebu. Sa ngayon nagsisiksikan sa tatlong pasilidad ang mga may mild na sintomas sa lungsod.

Pinababantayan ng pamahalaan ang lalawigan ng Cebu, lalo na ang Cebu City matapos makapagtala ng malaking numero ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na mga linggo.

Pero ayon kay Cebu City Mayor Edgardo Labella, ang mataas na bilang ng mga bagong kaso ay bunga ng pinalakas nilang testing sa COVID-19.

Sa tala ng DOH, 2,860 ang total ng COVID-19 cases sa Cebu City. Labis na mataas ito kumpara sa Lapu-Lapu City na may 162 at Mandaue City na may 253.