Iminungkahi ng Department of Health (DOH) na isailalim sa RT-PCR (Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction) test ang 18 empleyado ng Senado na nag-positibo sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi maituturing na standalone test ang rapid-antibody test na ginamit sa naturang mga empleyado.
“Saan po ba sila nag-positive? Sa IgM o sa IgG?,” tanong ng opisyal.
Una nang sinabi ni Usec. Vergeire na dapat i-diretso agad sa quarantine ang mga magpo-positibo sa IgM (Immunoglobulin M) dahil senyales daw ito ng active infection.
Ang pagte-test positive naman sa IgG (Immunoglobulin G) ay indikasyon na gumaling na ang isang pasyente.
“Kung nag-positive po sa IgM, hindi na po natin kailangan antayin ang resulta ng RT-PCR. Kailangan na po iyan i-extract sa kanyang komunidad.”
Itinuturing na “gold standard” ng World Health Organization ang PCR-based testing para sa COVID-19 dahil may kakayahan daw itong makita ang aktwal na virus sa mga samples.
Ipinaliwanag na rin ng DOH sa mga nakalipas na pahayag, na ang rapid antibody tests ay posibleng maglabas ng “false negative” at “false positive” results.