Pumalo na sa mahigit P300 billion ang nailabas na pera ng pamahalaan para sa COVID-19 response, ayon kay Department of Finance (DOF) Sec. Carlos Dominguez III.
Sa vritual pre-SONA briefing, sinabi ni Dominguez na kailangan gumastos ng pamahalaan ng malaking halaga para maproteksyunan ang buhay ng mamamayan laban sa COVID-19.
Ayon kay Dominguez, hanggang noong Hunyo 20, 2020 umabot na ng P374.89 billion ang nailabas na pera ng pamahalaan.
Sa naturang halaga, mahigit P200 billion ang napunta sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); P51 billion sa Small Business Wage Subsidy (SBWS) Program ng Social Security System (SSS); at P48.23 billion sa COVID-19 programs at procurement ng Department of Health ng testing kits.
Sa kabila ng malaking gastos, sinabi ni Domiguez na patuloy ang pamahalaan sa pagganap sa tungkulin nito na protektahan at tulungan ang publiko sa gitna ng pandemya.
Ito ay kahit pa inaasahan nila na higit sa doble ang deficit-to-GDP ng bansa dahil bagsak ang koleksyon ng mga ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Dominguez, USD126.36 million ang kabuuang halaga ng ongoing financing para sa COVID-19 response projects ng pamahalaan mula sa mga development partners sa international community.
Mababatid na kamakailan lang ay lumagda ang Pilipinas at Japan sa isang “highly concessional” ¥50-billion loan (P23.54 billion).
Nauna nang sinabi ni Dominguez na ang loan na ito ay para punuan ang pagbulusok ng state revenues sa gitna ng COVID-19 pandemic.