-- Advertisements --
Fuentebella Delola DOE Energy
IMAGE | (L-R) Energy Usec. Felix William Fuentebella and Asec. Redentor Delola/Screengrab, DOE

MANILA – Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na walang mararanasan na rotating brownout ang mga residente ng Luzon ngayong tag-init.

Madalas kasing makapagtala ang ahensya ng red alert o pagtirik ng mga planta ng kuryente tuwing tag-init dahil mataas ang demand sa supply ng enerhiya sa panahong ito.

“Luzon grid will no longer have red alert,” ani Energy spokesperson Usec. Felix William Fuentebella.

Batay sa projection o pagtataya ng DOE, posibleng umabot ng 11,841-megawatts ang demand sa kuryente ng Luzon sa kalagitnaan ng buwan ng Mayo.

Kaya may posibilidad daw ng pagnipis sa supply ng kuryente o yellow alert.

Sa kabila nito naniniwala ang Energy department na kahit matapos ang tag-init sa Hunyo ay hindi maaabot ang inaasahang peak ng power demand sa Luzon.

Gayunpaman, sakaling pumalo pa rin sa higit 11,000-megawatts ang demand ng enerhiya ng rehiyon, may sapat na reserba naman daw ang pamahalaan.

“We will still have sufficient level of reserves… in fact we have sufficient levels of reserves way above our contingency reserves requirement,” ani Asec. Redentor Delola.

“But even if we reach 11,841-megawatts, the worst case scenario that would happen is we’ll experience yellow alerts in two periods. Yung isang period is actually this week, pero wala tayong na-experience na any yellow or red alert this week.”

Paliwanag ng opisyal, ang dalawang yugto ng yellow alert ay bunsod ng extended o lumawak na “forced outages” ng ilang power plant.

“That’s because yung ating optimistic forecast, because of the forced outage na na-experience natin na malaki ang capacity at mataas yung demand na in-eexpect natin, nagkakaroon tayo ng thinning ng reserves for the summer month.”

Ayon kay Usec. Fuentebella, wala namang dapat ikabahala ang publiko sakaling sumampa sa yellow alert ang estado ng enerhiya sa Luzon.

“Hindi siya nagre-resulta sa power interruption. Kapag yellow alert, ang binabantayan natin ay yung sistema na sana wala ng malaking plantang tumirik pa dahil yun ang magti-trigger ng red alert, ng rotating brownout.”

Sinabi naman ni Asec. Delola na kahit pa bumalik sa general community quarantine ang NCR Plus pagdating ng Mayo, hindi pa rin nila nakikitang maaabot ng rehiyon ang inaasahang demand sa enerhiya.

Sa kasalukuyan, pitong power plant daw ang nakahinto ng operasyon kaya natapyasan ng 1,900-megawatts ang available na supply ng enerhiya sa Luzon.