-- Advertisements --

Todo paliwanag ang Department of Energy (DOE) kung bakit balik na naman sa big time oil price hike ang mangyayari sa darating na Martes sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, tatlong mga events daw kasi ang mga dahilan kung bakit patuloy pa rin sa pagtaas ang presyo ng mga prudoktong langis.

Giit niya, malakas daw kasi ang pressure sa oil prices dahil sa magsisimula na ang mas mataas na demand para sa mga bansa na nasa bahagi ng northern hemisphere bunsod na papasok na sila sa summer peak period. Ito ay sa pagitan ng buwan ng Hunyo hanggang September.

Liban nito nandiyan pa rin daw ang Russian oil ban na ipinataw ng European Union; at ang unti-unting pagluluwag sa lockdown sa China na magdudulot din ng pagtaas ng oil demand.

Kadalasa ang mga oil companies ay nag-aanunsyo ng eksaktong price adjustments tuwing Lunes para naman sa implementasyon sa susunod na araw ng Martes.

Batay sa inisyal na pagtaya tataas ang diesel sa pagitan ng P6.30 hanggang P6.60 kada litro.

Ang gasolina naman ay sa pagitan ng P2.50 hanggang P2.80 bawat litro.

Habang ang kerosene naman ay sa pagitan ng P5.10 hanggang P5.30 kada litro.