-- Advertisements --

Hinihimok ang Department of Energy (DOE) na ihanda ang contingency plans nito upang matiyak na magkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente ang bansa habang patuloy na tumitindi ang mas mainit na kondisyon ng panahon dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.

Ayon sa State Weather Bureau, inaasahang mararanasan ng Pilipinas ang peak ng El Niño phenomenon sa summer months.

Para maibsan ang epekto ng mas tuyong lagay ng panahon, sinabi ni Senator Win Gatchalian, Vice Chairman ng Senate Committee on Energy, na dapat tiyakin ng DOE na ang lahat ng kinakailangang repair at preventive maintenance ay isasagawa bago ang peak ng summer months para maiwasan ang mga hindi inaasahang outages.

Binanggit ni Gatchalian, na noong 2022, humigit-kumulang siyam na porsiyento ng power capacity ng bansa ay nabuo mula sa hydroelectric power plants.

Kaya naman, kailangang manguna umano ang DOE sa pagtiyak na walang unscheduled power outage na magaganap sa mga susunod na buwan.
Sinabi din ng senador na ang mga power plant ay partikular na madaling masira sa mga buwan ng tag-init sa gitna ng mataas na demand.