Nilinaw ng grupo ng mga doktor na wala nang extension ang hiniling nilang “time out” — na inaprubahan ng Malacanang sa pamamagitan ng modified enhanced community quarantine — sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“Consider this as the last time out. Wala na tayong ibang time out. We really have to maximize the last days of our MECQ and do teamwork,” ani Dr. Jose Santiago ng Philippine Medical Association.
Sa isang video conference na hinost ng Philippine College of Physicians, binigyang diin ng mga miyembrong doktor nito at iba pang organisasyon, ang kahalagahan nang mabilis na tugon sa ilalim ng dalawang linggong MECQ sa Metro Manila at ibang kalapit na lalawigan.
“Kapag hindi natin nagawa yung gusto natin, at least yung mga pwede nating gawin for the next two weeks, medyo alanganin tayo manalo dito sa COVID-19,” ani PCP vice president Dr. Maricar Limpin.
“Ang mabibigay naming assurance sa mamamayang Pilipino, kaming lahat nandito ngayon, sisiguraduhin namin sa inyo na hindi kami papayag na matatalo kami. Kasi sa oras na matalo kami, its the loss of the entire nation.”
Bukod sa Metro Manila, ipapatupad din ang MECQ sa Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal mula August 4 hanggang 18.
Ibig sabihin, suspended muli ang biyahe ng mga pampublikong transportasyon at bawal ang non-essential work.
Aminado si Dr. Lei Camiling-Alfonso ng Philippine Society of Public Health Physicians na hindi sapat ang dalawang linggong MECQ na masolusyunan ang lahat ng issue sa COVID-19 response.
Pero magandang pagkakataon pa rin daw ito para pag-usapan at plantsahin ang ilang mahahalagang punto ng kasalukuyang sitwasyon.
“We need in the next weeks is to maximize what we can in our power to do, and (on) what we have seen as gaps we transform the into opportunities.”
“Ang gusto natin, ma-reverse yung totoong trend. Yung mga dating kaso na ‘to malamang dati hindi natin ‘to naca-capture. Ngayon mas makukuha na natin.”
Dagdag pa ng doktor, malaki rin ang tugon mula sa komunidad para hindi na lumala ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
“Everyone has a role to play… In the next two weeks siguro, as a household, as business enterprise, or as an agency, what are the things that we can do to maximize this time out.”
Ito’y kasunod nang approval ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panawagang time out ng medical groups noong weekend.










