Kinumpirma ng isang doktor na mambabatas na nag-aalok ito ng libreng check up sa kaniyang clinic sa kaniyang opisina sa loob ng House of Representatives pero hindi gluta drip ang binibigay niyang serbisyo.
Ayon kay South Cotabato Rep. Peter Miguel, bilang isang doktor at ngayong isang lawmaker, hindi pa rin nito nakakalimutan ang kaniyang propesyon kahit siya ay nasa Kamara.
Ang pahayag ni Miguel ay bunsod sa kontrobersiyal na pagpapa gluta drip ng aktres na si Mariel Rodriguez sa loob ng opisina ng kaniyang asawa na si Senator Robinhood Padilla.
Ayon sa mambabatas matagal na niyang adbokasiya ang libreng clinic at check up kahit noong siya ay nagsilbing mayor at vice-mayor ng Koronadal City.
Nilinaw naman nito na kahit may libreng clinic siya sa kaniyang opisina ay hindi ito nagbibigay ng gluta drip doon at sa halip ay nakatuon lamang aniya siya sa kaniyang specialization.
Si Rep. Miguel ay EENT surgeon na ispesyalista sa ears, nose, throat, head at neck.