-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nanawagan ang grupong Alliance of Health Workers (AHW) kay Pangulong Rodrigo Duterte na doblehin rin ang sahod ng mga health workers kagaya ng ginawa sa sweldo ng mga pulis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay AHW President Robert Mendoza, sinabi niyang nararapat lamang ipakita rin ng pangulo ang pagmamahal sa mga medical frontliners na nangunguna ngayon sa paglaban kontra COVID-19 pandemic.

Nagpahayag naman ng pagkaalarma ang grupo sa dami ng bilang ng mga doktor, nurse at iba pang medical workers na nakikisabay sa nangyayari ngayong mass resignation.

Binigyang diin ng AHW President na hindi ito mangyayari kung sapat ang natatanggap na sweldo at benipisyo ng mga health workers.

Base sa tala ng AHW halos 5% na ng mga medical frontliners ang nakapagsumite ng kanilang resignation letter kung saan ilan sa mga ito ay planong magtrabaho na lang sa ibang bansa o magpahinga na muna.