Humingi ng suporta si Department of National Defense Sec. Gibo Teodoro sa mga mambabatas upang mapondohan ang ilang mga panukalang imprastraktura na nais maipatayo sa Isla ng Pag-Asa sa WPS.
Ayon kay Sec. Teodoro, kailangan ay mayroong komprehensibong istratehiya ang pamahalaan sa West Phil Sea, upang lalo pang matiyak ang kapakanan ng mga tropa ng pamahalaan na nakapirme sa lugar.
Sa kasalukuyan kasi aniya, ang Pilipinas ang may pinakamababang intervention sa lugar, kumpara sa iba pang mga bansa na kasamang umaangkin sa mga isla doon.
Ayon sa kalihim, kailangang makapagpatayo na ang bansa ng ilang mga istraktura sa lugar, katulad ng maayos na pantalan at maayos na runway.
Malaking hamon kasi aniya ang pananatili sa lugar, dahil sa limitado lamang ang runway ng isla at hirap makalapag doon ang mga malalaking sasakyang panghimpapawid.
Habang kailangan din ng pantalan na akmang tumanggap ng mga malalaking sasakyang pandagat para magamit sa pagbibiyahe ng mga malalaking kargamento, katulad ng mga construction materials.
Sa ganitong paraan, naniniwala si Teodoro na mas mabilis ang progreso sa lugar, at matutulungan pa ang mga residente at mga mangingisda na nakapirmi sa naturang isla.