-- Advertisements --

Muling umapela si Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa lahat ng ating mga kababayan na huwag magpapadala sa mga propaganda ng China sa isyu sa West Philippine Sea.

Ito ang naging apela ng kalihim sa gitna ng mga kontrobersiya hinggil sa umano’y naging “gentleman’s agreement” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China kaugnay BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Sa isang open letter ay binigyang-diin ni Sec. Teodoro na sa kabila naturang isyu hinggil sa umano’y “gentleman’s agreement” ay hindi dapat aniya makalimutan ng ating mga kababayan ang katotohanan na ang pangunahing banta sa karapatan ng ating bansa sa WPS ay ang mga ilegal na aktibidad ng China sa lugar.

Kung maaalala, una nang isiniwalat ni dating presidential Spokesperson Harry Roque na mayroong naging kasunduan si dating Pangulong Duterte at ang China kaugnay sa hindi pagdadala ng repair materials sa Ayungin Shoal para kumpunihin ang naluluma nang BRP Sierra Madre na sinadyang isadsada sa lugar.

Bagay na tali was naman sa naging pahayag ng dating chief presidential legal counsel ni Duterte na si Salvador Panelo na nasabing wala raw ganitong uri ng kasunduan ang pinasok ng dating Pangulo sa China.