Pinagtibay ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang commitment ng bansa para sa mapayapang resolution ng maritime disputes sa pinagtatalunang karagatan alinsunod sa international law sa ginanap na pagpupulong ng defense chiefs sa Indonesia kamakailan.
Pinangunahan ni Sec. Teodoro ang delegasyon ng PH sa 17th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Defense Minister Meeting at 10th ASEAN Defense Minister’s Meeting -Plus na idinaos sa Jakarta mula Nov. 15 hanggang 16.
Umapela din si Sec. Teodoro sa lahat ng bansa na yakapin ang responsibilidad ng kolektibong responsibilidad para sa mga hakbangin na labag sa international law kabilang ang 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa pagtugon ng maritime disputes.
Binigyang diin din ng DND chief na responsibilidad ng mga bansa sa ASEAN na magkaroon ng matatag na depensa tungo sa pagtiyak ng seguridad sa rehiyon.
Samantala sa naturang pagpupulong ng mga defense chiefs ng ASEAN, pinagtipay ang mga inisyatibo kabilang ang akda ng Pilipinas at Thailand gaya ng Jakarta Joint Declaration of the ADMM for Peace, Prosperity and Security na nagpapatibay sa commitment ng ASEAN defense ministers na palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng ASEAN member states at Plus countries para epektibong matugunan ang mga hamon sa seguridad kaakibat ng paninindigan sa pagkakaisa ng ASEAN.