Huli na umano para kumilos ang Estados Unidos laban sa ginawang pananakop ng China sa ilang isla sa West Philippine sea.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos ipanawagan na irebisa ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos para malinaw ang mga kundisyon kung Kelan sasaklolohan ng bawat bansa ang isa’t isa.

Ayon sa kalihim, kung ang pananakop ng China sa mga territorio sa West Philippine sea ay itinuturing na “aggression” o pag-atake sa Pilipinas, dapat sana ay noong 1995 pa inaksyunan ng Estados Unidos ang pagsakop ng China sa mischief reef.

Una nang sinabi ng kalihim na wala siyang pagdududa sa pangako ni US Secretary of State Michael Pompeo na sasaklolohan ng Amerika ang Pilipinas sa panahon na umatake ang China.

Pero Ayon sa kalihim, malabong harapang atakehin ng China ang Pilipinas, at mas malamang pa na ang Amerika ang mapasabak sa giyera sa China dahil sa ginagawa ng US military na “freedom of navigation patrols” sa West Philippine sea.

Kung mangyari aniya ‘yon, ay ang Pilipinas pa ang mapapasabak sa giyera na hindi natin ginusto dahil sa kasalukuyang estado.