-- Advertisements --

Positibong tinukoy ng nakuhang DNA sample sa crime scene ang ilang suspect na idinadawit sa pagkamatay ni dating governor Roel Degamo.

Ito’y matapos na magtugma ang kanilang DNA sa nakuhang DNA sample sa lugar kung saan nangyari ang karumaldumal na krimen noong March 4 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Atty. Levito Baligod, ang naturang samples ay tumugma aniya kina Eulogia Gonyon Jr., Winrich Isturis, Osmundo Rivero, at Rogelio Antipolo Jr.

Paliwanag ni Atty. Baligod, kumuha umano ang mga imbestigador ng specimen sa mga sasakyan na ginamit ng shooters at mula na rin sa naiwang mantsa ng dugo sa compound ng pinaslang na gobernador

Isinumite na rin aniya ng National Bureau of Investigation ang nasabing DNA analysis bilang ebidensya.

Una ng sinabi ng kampo ni Degamo na malakas ang hawak nilang proweba laban sa mga suspect kaya’t hindi aniya makakaapekto sa kaso ang pagbaliktad ng mga ito.

Ayon naman kay Atty. Jord Valenton, abogadong kumakatawan sa suspect na sina Isturis and Gonyon, bagamat mayroong DNA analysis , kinakailangan pa rin itong dumaan sa authentication process.

Samantala, ginawa ni Atty. Baligod ang naturang pahayag kasabay ng unang preliminary investigation sa reklamong murder at frustrated murder nauna ng inihain laban kay suspended representative Arnolfo Teves Jr.

Kabilang sa mga respondents na naturang reklamo ay sina Angelo Palagtiw, Neil Andrew Go, Capt. Lloyd Cruz Garcia. Nigel Electona, at isang “Gee-Ann, Jie-An” na umano’y konektado sa pagtakas ng assault team gamit ang helicopter ni Teves.

Ang naturang pagdinig ay dinaluhan ng sampung suspect na sangkot sa naturang pagpatay, miyembro ng Degamo Family at ilang pamilya at kamag-anak ng mga sibilyan na nadamay sa pamamaril.

Hindi rin aniya nagpakita ang mga abogado ng mga bumaliktad na suspect sa naturang pagdinig at sa halip ay mga abogado mula sa Public Attorney’s Office. ang kumatawan sa mga ito.

Kung maaalala, noong March 4 ay pinagbabaril ang compound ng dating gobernador na si Degamo na ikinasawi nito at ikinasawi rin ng siyam pang sibilyan.

Una ng sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na si Teves ang utak sa pagpatay at hanggang sa ngayon ay itinatanggi pa rin ito ng kampo ng suspendidong mambabatas.